May sagot ang Department of Tourism (DOT) sa mga ibinabatong batikos sa kanila hinggil sa pagho-host ng Pilipinas sa Miss Universe pageant ngayong buwan.
Ayon kay Tourism Undersecretary Kat de Castro, layon ng nasabing patimpalak na palakasin ang mga babae sa lipunan at pag-ibayuhin ang kumpiyansa nila sa sarili.
Gayunman, nilinaw ni De Castro na kanila pa ring iginagalang ang pananaw ng feminist group na Gabriela ngunit umaasa silang maiintindihan din ng grupo ang tunay na layunin ng nasabing patimpalak para sa mga babae.
Una nang inihayag ng Gabriela na tutol sila sa pagdaraos ng Miss Universe sa Pilipinas dahil tila ibinebenta lamang nito ang Pilipinas bilang isang bansa na may mababang uri ng mga babae.
Samantala, kinontra ng ilang mambabatas ang feminist group na Gabriela dahil sa pagkondena nito sa pagho-host ng Pilipinas sa Miss Universe 2016 ngayong taon.
Ito’y makaraang batikusin ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang patimpalak na aniya’y magbebenta lamang sa mga Pilipina para abusuhin ng mga dayuhan.
Ayon kay PBA Partylist Rep. Mark Sambar, tila malayo naman sa katotohanan ang opinyon ng grupo dahil kadalasan nilang pinapupurihan ang mga nananalo ngunit binabatikos naman ang mismong patimpalak.
Sa panig naman ni Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belardo, matuturing aniyang biased ang Gabriela dahil sa isang factual reality ang Miss Universe na matagal nang ginagawa.
Sa halip aniyang batikusin ng feminist group ang Miss U, dapat tumulong na lamang ito para i-promote ang mga kandidata at paalalahanan hinggil sa kanilang tunay na gampanin para sa mundo.
By Jaymark Dagala