Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na i-konekta ang Luzon, Visayas at Mindanao sa national broadband service pagsapit ng taong 2024.
Sa interpelasyon ni senior deputy minority leader Paul Daza sa panukalang budget ng DICT, tinanong nito kung kailan plano ng kagawaran gamitin ang submarine cable na binayaran ng social media giant na facebook, para sa national broadband program ng gobyerno.
Ipinunto ni Daza na makatitipid ang pamahalaan kung gagamitin ang submarine cable na nakalatag na sa Baler, Aurora.
Aabutin lamang anya ng 0.60 cents o 33 pesos megabits per second ang bayad sa internet kumpara sa 5 dollars o 275 sa mga pribadong telco sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Makati City representative Luis Campos Jr., sponsor ng proposed budget ng kagawaran na tatapusin muna ng DICT ang phase 1 ng programa kung saan ikokonekta ang cable mula sa Laoag hanggang Quezon City sa 2023.
Sa taong 2024 naman ang second phase mula sa Quezon City hangang Sorsogon at Samar.—mula sa panulat ni Jenn Patrolla