Magkakaroon ng dagdag na requirements ang PhilHealth sa pagkubra ng claims ng health institutions.
Sa gitna na rin ito nang lumutang na kontrobersyang kinasasangkutan ng isang dialysis center sa Quezon City na kumukubra pa ng claim para sa isang pasyente na patay na.
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III, layon ng reporma na mas maging evidence-based ang pag-document sa claim ng mga ospital o clinic.
Kabilang sa reporma ang pagpapasumite ng claims form no. 4 sa mga pasilidad kung saan isusulat doon ang mas detalyadong kondisyon at impormasyon ng pasyente.
Sinabi pa ni Duque na tuloy din ang post audit ng PhilHealth sa mga kuwestyunableng claim.
Kahit makakuha ng claim ang isang health facility subalit kalaunan ay makitang kuwestyunable ang kanilang claim ay ibabawas pa ang nakubrang pera kalaunan.
Maliban dito, posible ring makasuhan ng kriminal at mabawi ang accreditation ng isang pasilidad.