Hindi tumutugma sa mahigpit na employment process ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakadiskubre ng Kamara sa 30 aktibo at retiradong basketball at volleyball players na nagsisilbing technical assistants noong 2016.
Binigyang diin ito ni House Deputy Speaker Raneo Abu kasunod ang hirit sa Bureau of Customs na isumite sa kanila ang 201 file ng mga nasabing atleta.
Sinabi ni Abu na walang masama kung kinuha ng Customs ang serbisyo ng mga atleta lalo pa kung qualified ang mga ito subalit maaaring magkaroon ng isyu sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno kung kinuha ang mga ito para katawanin ang ahensya sa iba’t ibang liga.
Magugunitang sa nakalipas na pagdinig ng Kamara iginiit ng Customs ang istriktong proseso sa pagkuha ng mga empleyado.
Customs Commissioner Nicanor Faeldon dumipensa
Idinipensa ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang pagkuha ng mga dating basketball at volleyball players sa tanggapan.
Binigyang diin ni Faeldon na isang magandang programa na kanilang pinag-isipan ang pagkuha ng serbisyo ng mga dati at aktibong basketball at volleyball players bilang technical assistants ng ahensya.
Ayon kay Faeldon, kinunsulta nila ang COA o Commission on Audit hinggil sa Sports Development Program ng Bureau of Customs.
Nilinaw ni Faeldon na hindi mga empleyado ng BOC ang mga nasabing players kundi kinuha ang serbisyo ng may kontrata.