Umalma ang Department of Health (DOH) sa pagkukumpara ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas at Singapore kaugnay ng sitwasyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Matatandaan na sa datos ng WHO, sinasabing pinakamabilis ang pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas sa nagdaang dalawang linggo sa Western Pacific Region.
Tatlong beses umano na mas malaki ang itinaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas sa nakaraang dalawang linggo kumpara sa Singapore na pumapangalawa sa listahan.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang ginawang pagkukumpara sa Pilipinas at Singapore ay nangangailangan ng mas malalim na pang-unawa sa population ratio at sa bilang ng COVID-19 cases.
Bago pa man anya nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay malaki na ang kaibahan ng kondisyon ng pamumuhay at health system capacity ng Pilipinas kontra sa Singapore.