Nakatakda nang simulan ang pagkukumpuni o rehabilitasyon ng Bustos dam gayundin ang mga kalapit na istruktura malapit dito.
Ito’y makaraang i-turn over na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS sa National Irrigation Administration o NIA ang isang bilyong pisong pondo para sa pagpapaayos ng nasabing dam.
Ayon kay NIA Administrator Florencio Padernal, malaki ang maitutulong ng nasabing pondo para maagapan ang lalong pagkasira ng dam.
Makatutulong din aniya ito para maisaayos ang pagdaloy ng tubig sa mga irigasyon na nasasakupan ng Angat-Maasim river service area at upang magsilbi na ring flood control tuwing panahon ng tag-ulan.
Kabilang sa isasailalim sa rehabilitasyon ay ang pagkukumpuni sa diversion dam kasama na ang pagpapalit ng anim na bay rubber gates at improvement ng apron, training walls at gates, pagsasaayos ng main canal at maging sa lateral canal at iba pang mga kaugnay na istruktura.
Ngunit bago ang pormal na pagsisimula ng proyekto, pangungunahan muna ni Pangulong Benigno Aquino III ang groundbreaking ceremony para rito sa Abril 15.
By Jaymark Dagala | Monchet Laranio