Kinondena ni Gabriela Party Rep. Arlene Brosas ang patuloy na pagkuwestiyon ni Vice President Sara Duterte sa mga ebidensyang inilatag sa International Criminal Court hinggil sa war on drugs campaign na ipinatupad ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na kinontra ni VP Sara ang 30,000 drug war victims kasabay ng paggiit na hindi mapapatunayan ang sistematikong pagpatay kung hindi matutukoy ang mga biktima.
Iginiit ni Rep. Brosas na hindi lang ‘insensitive’ kundi pagsasawalang bahala sa hustisya at karapatang pantao ang mga pahayag ng bise presidente.
Binigyan diin ng Mambabatas, na hindi lang basta numero kundi mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at nakaranas ng karahasan ang 43 counts of murder na may matitibay na ebidensya.
Ipinaalala ng mambabatas sa pangalawang pangulo na dapat din nitong silipin ang kanyang mga isyu gaya ng paghaba ng listahan ng mga kuwestiyonableng pangalang tumanggap ng confidential funds ng kanyang tanggapan. —ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)