Siniguro ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ginagawa nila ang lahat para maprotektahan ang kapakanan ng mga person deprived of liberty (PDL) na nasa kanilang pangangalaga.
Ito ang naging tugon ng BJMP sa puna ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) matapos na hindi tanggalan ng posas ang aktibistang si Reina Mae Nasino.
Ayon kay Xavier Solda, tagapagsalita ng BJMP, kanila nang pinaiimbestigahan ang ipinatupad ng security protocol ng mga tagabantay ni Nasino.
Nauna rito, binigyan ng Manila Regional Trial Court ng furlough si Nasino para makadalaw sa burol ng kanyang tatlong buwang gulang na anak.
Maliban naman sa nakaposas si Nasino nang pumunta sa burol ng kanyang anak, ay ipinagtabuyan din ng mga jail guards ang mga miyembro ng media na nais mahingan si Nasino ng pahayag.
Iginiit naman ng BJMP, na nais lamang panatilihin ng kanilang mga tauhan ang pagkakaroon ng distancing, lalo’t nariyan pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)