Inaprubahan sa senado ang isang resolusyon na nananawagan sa Department of Social Welfare Development (DSWD) na madaliin ang pagpapalabas ng umaabot sa P83-B na hindi pa nagagamit nitong pondo.
Inihain ang senate resolution #574 matapos mabatid na mayroon pang hindi nagagalaw na pondo ang DSWD gayong libo-libong mga pamilya ang matinding naapektuhan ng pandemiya at magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, kabilang sa naturang pondo ang P75-B mula sa regular budget ng ahensiya para sa 2020 at P6.7 billio na alokasyon sa ilalim ng bayanihan act 1 at 2.
Sa kanyang sponsorship speech, iginiit ni Zubiri na kanila nang tinatalakay ang national budget para sa susunod na taon pero mayroon pang bilyones na pondo ang DSWD na hindi napakikinabangan ng taumbayan.
Binigyang diin ni Zubiri na kinakailangan maipalabas ng ahensiya ang hindi pa nito nagagalaw na pondo bago matapos ang taon.