Hindi natuloy ang balak ni Senador Antonio Trillanes IV na subukang lumabas sa gusali ng Senado kahapon.
Ayon kay Trillanes,nakakuha siya ng impormasyon na tuloy ang pag-aresto sa kaniya ng tauhan ng mga militar kaya hirap aniya siyang pagtiwalaan ang binitawang pahayag ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi siya ipaaresto ng mga ito.
Kasabay nito, nilinaw ni Trillanes na hindi kumokunsumo ng kuryente ang pananatili niya sa Senado dahil nakapatay aniya ang air-conditioning unit ng naturang gusali.
Naniniwala din umano ang kaniyang mga tauhan na mas magiging ligtas siya kung mananatili sa Senado.
Ito’y makaraang sundan umano ng ilang intelligence agents ng militar ang kaniyang mga tauhan na nagpakarga lamang sa gasolinahan nuong isang gabi.