Ibinabala ng isang pari ang paglaganap ng patayan at karahasan matapos wakasan ni pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at NDF-CPP-NPA at pagbabalik ng PNP sa anti-illegal drugs campaign.
Ayon kay Father Amado Picardal, outgoing executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Basic Ecclesial Communities, sakaling mangyari ang kanyang pinangangambahan ay hindi magbubulag-bulagan ang simbahan.
Sa ngayon anya ay hindi lamang mga drug suspect ang target ng gobyerno para sa extrajudicial killings kundi maging ang mga rebelde at makakaliwang grupo na maihahalintulad noong panahon ng batas militar ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Iginiit din ni Picardal na dapat labanan at isiwalat ng publiko ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Noong Martes ay nilagdaan ng pangulo ang proklamasyong kumikilala sa CPP-NPA bilang teroristang grupo alinsunod sa human security act.