Dapat nang paigtingin ang Anti-Smuggling Operations matapos ang pagsadsad ng mill gate price ng asukal sa halos P1,000 kada 50 kilo sa nakalipas na tatlong linggo.
Ito ang panawagan nina Aurelio “Bodie” Valderrama, Pangulo ng Confederation of Sugar Producers Associations; Enrique Rojas, Pangulo ng National Federation of Sugarcane Planters at Danilo Abelita, Pangulo ng Panay Federation of Sugarcane Farmers.
Nakababahala anila ang paglagpak ng mill gate price ng asukal para sa mga producer na patuloy na nahihirapan sa lumalaking production cost.
Kabilang sa kanilang itinurong dahilan ang posibleng paglaganap ng Sugar Smuggling na sinabayan pa ng paglobo ng imbentaryo ng asukal bunsod ng imports at nagpapatuloy na milling operations.
Hinimok din nila ang stakeholders na solusyonan ang bumabagsak na produksyon bunsod ng masamang panahon at nagmamahal na production costs sa pamamagitan ng suporta ng gobyerno, gaya ng pamamahagi ng fertilizer at fuel subsidies.
Sa ngayon ay nasa P2,800 hanggang P2,900 ang kada kaban ng asukal kumpara sa P3,600 hanggang P3,800 pesos noong mga nakalipas na buwan.