Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko sa trangkaso na nararanasan sa mga panahong ito.
Ayon kay Health Spokesman Undersecretary Eric Domingo, ang Enero at Pebrero ay itinuturing na peak months kung kailan marami ang nagkaka-trangkaso kaya’t dapat mag-ingat laban dito.
Subalit sinabi ni Domingo na kumpara sa kabuuang bilang noong isang taon sa buong bansa, mas mababa pa rin ang naitalang nagka-trangkaso ngayong taon.
Ang 2018 aniya ay maituturing na bad season para sa flu hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Ipinabatid ni Domingo na nakakahawa ang iba’t ibang strains ng flu sa sandaling nagkaroon ito ng contact sa katawan ng tao, maging ito man ay sa pamamagitan ng ubo mula sa ibang tao o paghawak sa kontaminadong gamit pagkatapos ay hahawakan ang bibig o ilong.
Hinimok ni Domingo ang mga tao na takpan ang kanilang bibig kapag umuubo o bumabahing para maiwasan ang pagkalat ng flu virus na madali naman aniyang gamutin maliban na lamang kapag tumama sa mga bata, matatanda at may mahinang immune system dahil may ibang sakit.
—-