Bukod sa pagpupulong ng 21 lider ng mga bansang kasapi ng APEC hinggil sa ekonomiya ng rehiyon, sasamantalahin din ng Pilipinas ang pagkakataon upang makipag-usap sa iba pang bansa kaugnay ng ilang importanteng bagay.
Kabilang dito ang paglagda sa kasunduan ng strategic partnership sa pagitan ng bansa at ng Vietnam na kapwa pangungunahan nina Pangulong Benigno Aquino III at ni President Truong Tan Sang.
Ayon kay Department of Foreign Affairs o DFA Asst. Sec. Charles Jose layon ng naturang strategic partnership na iangat pa ang relasyon ng dalawang bansa, partikular sa usapin ng seguridad sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kanilang mga militar, pagbisita sa mga daungan at mga information sharing at joint activities.
Bukod dito, layunin din aniya nito na suportahan ang pagtutulungan ng mga bansa sa Asya sa usapin ng depensa at maritime security.
Ang nasabing strategic partnership ay magaganap sa sidelines ng APEC Summit sa susunod na linggo.
By Allan Francisco