Makatutulong ang nilagdaang 2021 national budget ni Pangulong Rodrigo Duterte para maipagpatuloy ng gobyerno ang paglaban nito sa pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Committee on Finance, ang pagbili ng bakuna kontra COVID-19 at pagpapalakas sa health system ng bansa ang naging prayoridad sa pagpapatibay sa 2021 national budget.
Kabilang aniya rito ang suporta sa distance o blended learning lalo na’t baka matagalan pa ang pagbabalik ng face-to-face classes dahil sa banta ng panibagong strain ng COVID -19.
Nakapaloob din sa naturang budget ang patuloy na pagbibigay ng ayuda sa manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng kalamidad at iba pa.
Kasunod nito, naniniwala si Angara na may sapat na pondo ang gobyerno pantugon sa pandemic dahil bukod sa 2021 national budget, pinalawig din ang paggastos ng 2020 national budget at extension ng bisa ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2). —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)