Posibleng wala nang gawing seremonya sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang 2019 national budget.
Sa impormasyong nakuha ng DWIZ patrol, mayroong mga nagmungkahing wala na lamang gawing ceremonial signing.
Ito rin ang posibleng rason kung bakit wala pang pinapadalang imbitasyon sa Senado ang Malakanyang para sa nakatakdang paglagda ng pangulo sa naturang pondo sa Lunes.
Kung nagkataon ay hihintayin na lamang ng Senado na ipadala ng Malakanyang ang veto message sakaling mayroon itong mga ivineto sa sinasabing unconstitutional realignment na ginawa ng Kamara at ginawa rin umano ng Senado.
Kumpiyansa naman ang Senado na iveveto ng pangulo ang nasa P75 billion na realignment na ginawa ng mababang kapulungan ng Kongreso matapos na maratipikahan ang bicam report ng naturang pondo.
with report from Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)
Posibleng hindi matuloy ang itinakdang paglagda ng Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 national budget.
Taliwas ito sa naunang abiso ng Malakanyang na sa Lunes Santo, April 15 gagawin ang ceremonial signing ng pambansang budget.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maaaring lagdaan ng pangulo ang 2019 budget pagkatapos na ng Semana Santa.
Ayon kay Panelo, mabusisi ang ginagawang pag-aaral ng pangulo sa pambansang budget.