Tinatayang nasa mahigit 5,000 miyembro na ng New People’s Army (NPA) ang na-neutralize ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ngayong taon.
Ito’y dahil sa pinalakas na Anti-Insurgency Campaign ng pamahalaan gayundin sa nagpapatuloy na tactical losses ng komunistang grupo.
Mula sa kabuuang bilang na 5,164 na neutralized NPA’S, 169 dito ang nasawi habang nasa 4,777 ang sumuko.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay, naging matagumpay ang kanilang Anti-Insurgency Campaign dahil sa nagkakaisa sila ng PNP sa layuning panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Magugunitang sinubok ang relasyon ng AFP at PNP nang mapatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu ang apat na sundalo na nagmamanman sa dalawang terroristang nasa likod ng kambal na pagsabog sa nasabing lugar nitong Agosto.