Pinaghahanda na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga motorista at pasahero sa inaasahang “Carmageddon” o paglala ng traffic situation “kahit saang sulok ng Metro Manila,” anim (6) na araw bago ang pasko.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Mark De Leon, inaasahang mararamdaman sa Biyernes ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil sa holiday rush.
Ito’y dahil magkakasabay ang pag-uwi sa probinsya ng libu-libong pasahero at last minute shopping sa mga mall kaya’t mapupuno ng mga sasakyan ang mga pangunahing kalsada hindi lamang sa EDSA.
Bukod sa mga major road, nagbabadya rin ang matinding traffic congestion sa mga kalsadang patungo sa mga pantalan, paliparan at bus terminal.