Inalis na ng pamahalaan ang requirement na nag-oobliga sa mga air carriers na maglaan ng bahagi ng kanilang aircraft cabin bilang isolation area para sa mga pasaherong nagpapakita ng mga sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, tinanggal ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang nabanggit na requirement kasunod ng rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na kinatigan din ng Department of Health (DOH).
Giit ni Roque, hindi na kailangang maglaan pa ng mga airline companies ng isolation area para sa kanilang mga pasahero dahil karamihan sa mga domestic flights ay hindi naman nagtatagal ng higit isa’t kalahating oras.
Nilinaw na rin aniya ng CAAP na ang pasya nila ay hindi labag sa mga alituntunin ng World Health Organization (WHO) at International Civil Aviation Organization (ICAO).