Kinuwestiyon ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ church Pastor Apollo Quiboloy ang tila umano’y “timing” na paglalabas ng United States Federal Bureau of Investigation ng “most wanted” poster laban sa pastor.
Ayon sa abogado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio, kahina-hinala na ngayon inilabas ang nasabing poster na kasabay ng panahon ng pangangampanya.
Aniya, Nobyembre 10, 2021 pa nang ginawa ang federal jury indictment gayundin ang warrant laban kay Quiboloy na dapat sana’y noong panahon din na iyon inilabas ang poster.
Dagdag pa ni Topacio, nasa state of abject denial ang kanilang panig para sabihing hindi nanghihimasok ang Estados Unidos sa nalalapit na eleksyon sa bansa.
Naniniwala rin ang kanilang panig na ginagamit lamang paglalabas ng most wanted person kay Quiboloy para dumihan ang reputasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilalang malapit sa pastor.
Sa kabila nito, nilinaw ni Topacio na sakaling may court order na para sa extradition ni Quiboloy ay susundin nila kung ano ang sinasabi ng batas. —sa panulat ni Abie Aliño-Angeles