Hindi pa matiyak ng Palasyo kung ilalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng narco-politicians bago ang May 9 Elections.
Tugon ito ni Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa tanong ng mga mamamahayag kung may posibilidad na isapubliko ng pangulo ang naturang listahan.
Magugunitang may inilabas din na drug list si Pangulong Duterte Noong 2019 Midterm Elections at bago pa ang nasabing halalan ay isa-isang pinangalanan ang ilang politikong sangkot umano sa illegal drug trade.
Layunin nitong tulungan ang publiko na pumili ng tamang kandidato.
Bagaman aminado si Andanar na walang katiyakan kung isasapubliko, nagpahayag naman anya ng suporta ang punong ehekutibo sa mga kandidato na sumusuporta sa kanyang mga programa at polisiya.
Marso 31 nang ihayag ni Pangulong Duterte na umaasa siya na ang susunod na presidente ay magiging masigasig din na harapin ang problema sa iligal na droga.