Posible naman ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang paglalagay ng elevated bike lane sa kahabaan ng Edsa.
Ito’y sa gitna na rin ng mga pagbabago sa ilalim ng “new normal” kung saan marami ang pinipiling gumamit na lang ng bisikleta.
Ayon kay PNP-HPG director P/BGen. Eliseo Cruz, kailangan lamang irenovate ang mga bangketa ng Edsa.
Sa Edsa-Santolan halimbawa na napakalapad pa ng bangketa at maari pang lagyan ng elevated na daanan para sa mga nagbibisikleta.
Sa ganitong paraan ani Cruz, ligtas ang mga biker sa posibleng aksidente kaya’t pabor siya sa mga panukalang seryosohin ng MMDA ang paglalagay ng bike lane.
Sinabi ng hepe ng HPG na kung linya lang kasi ang ilalagay, hindi ito maituturing na ligtas lalot kung may malalaking sasakyan ang didikit o tatabi sa biker.
At para naman sa mga nagbibisikleta, pinayuhan sila ng HPG na mamuhunan o mag invest sa mga protective at safety gear bago sumabak sa pagpapadyak lalo na sa gabi kung saan laman na rin ng mga kalsada ang mga nagbibisikleta.