Aprubado na ang paglalagay ng exclusive motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ito ang kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Carlo Dimayuga III makaraang magkasundo ang mga alkalde at kinatawan ng iba’t-ibang lungsod sa isinagawang Metro Manila Council meeting.
Ayon kay Dimayuga, nagkaroon ng ilang pagbabago sa ilalabas na resolusyon, tulad ng mga hindi pantay na lapad ng kalsada habang ilalarga ang dry run sa Nobyembre.
Aalamin naman ng MMDA sa susunod na linggo kung saan nagkakaroon ng “bottlenecks” o mga bahagi ng kalsada kung saan naiipon ang mga sasakyan dahil sa pagkipot ng daan.
Sa sandaling ipatupad special lane para sa mga motorsiklo sa Commonwealth, mananatiling bike lane ang outermost lane, katabi ang Public Utility Vehicles (PUV) lane at saka isusunod ang motorcyle lane.
Pipinturahan ng asul ang linya para sa motorisiklo, dilaw para sa puv, habang berde sa mga bisikleta.
May kaakibat na multang 500 pesos ang mga motorcycle riders na lalabas sa kanilang lane maging ang mga sasakyang papasok sa motorcyle lane.
Nilinaw naman ni Dimayuga na sa Commonwealth muna ipatutupad ang motorcyle lane habang pinag-aaralan kung maaari rin itong ipatupad sa Edsa at Ortigas.