Planong maglabas ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ng guidelines para sa pagbibigay ng diskwento sa mga senior citizen at persons with disability sa online transactions.
Ito’y matapos makatanggap ng reklamo ang ahensya kaugnay sa hindi pagkilala ng ilang online shop sa diskwento na dapat ibinibigay sa mga senior citizen na namimili online.
Ayon kay NCDA Executive Director Emerito Rojas, katuwang ang DSWD at DTI, pagtutulungan ang pagbuo ng panuntunan hinggil sa mga usaping online transaction ng mga senior citizen at PWD.
Ani Rojas, ang naturang diskwento ay prebilehiyo na dapat matanggap ng mga senior citizen at PWD mapa-online o offline transaction.
Target na mailabas ang mga panuntunan sa pagbibigay ng senior citizen at PWD discounts sa mga binibili online bago matapos ang 2020.