Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tapusin sa susunod na taon ang paglalagay ng karagdagang free WiFi sites.
Ito, ayon kay DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo, ay upang paigtingin ang digital transformation efforts sa buong bansa.
Ayon kay Lamentillo, layunin nilang makapaglagay ng 9,762 additional sites sa mga pampublikong lugar at 162 sites sa state universities at colleges.
Sa kasalukuyan anya ay mayroong 4,757 live sites sa Metro Manila at 75 lalawigan sa ilalim ng digitalization initiative ng gobyerno.
Kabilang ang digitalization sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at kanyang direktiba sa kagawaran na tiyakin ang universal connectivity at palakasin ang e-governance.
Layunin ng nasabing hakbang paghusayin ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.