Nakumpleto na ang paglalagay ng linya ng kuryente sa transitional shelters sa Barangay Sagonsongan sa Marawi City.
Ipinabatid ni Assistant to the Presidential Spokesperson China Jocson na inilalatag na rin ang secondary lines na magko konekta sa bawat housing unit.
Ayon pa kay Jocson, pinagsisikapan din ng Task Force Bangon Marawi na mapabilis ang pag-kumpleto ng transitional shelters na inaasahang matatapos sa Disyembre 25.
Isanlibo at limandaang (1,500) transitional shelters ang target na maitayo at pakikinabangan ng libu-libong pamilyang naapektuhan ng bakbakan.
Pinag-uusapan na din ng task force ang permanenteng tahanan para sa mga naapektuhang pamilay sa bakbakan ng Marawi City.
Samantala, sinisikap na ng militar na mabawi ng tuluyan sa Maute Group ang Marawi City ngayong Oktubre.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año, napakaliit na ng lugar na nasasakop ng Maute.
Natatagalan lamang aniya ang operasyon dahil 38 pang bihag ang hawak ng mga terorista at karamihan dito ay mga bata at babae.