Tiniyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez na lalagyan ng safety measures ang Constitutional Commission at Constitutional Assembly para masigurong hindi magagamit ang mga ito ng mga Senador at Kongresista para sa kanilang pansariling interes.
Sinabi ito ni Alvarez kasunod ng unang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na binalaan na niya ang mga babalangkas ng saligang batas tungo sa Pederalismo na huwag gamitin ang Charter Change para sa kani-kanilang sariling interes.
Ayon kay Alvarez, kanyang irerekomenda sa bubuuing constitutional commission na magpasok ng mga probisyon hinggil sa safety nets upang hindi maabuso ang constitutional assembly na siyang maglalatag ng mga aamyendahan sa saligang batas.
Kasama na rito ang probisyong hindi dapat makinabang ang sino mang babalangkas ng konstitusyon.
Dagdag pa ni Alvarez, umaasa ang Kamara na makasiguro sila kay Senate president Koko Pimentel na papayag ang Senado sa constituent assembly upang maging mas maayos ang pag-amyenda ng saligang batas patungo sa pederalismo.
By: Avee Devierte