Target ng DENR o Department of Environment and Natural Resources na maglagay ng dalawa’t kalahating kilometrong trashboom sa bahagi ng Baywalk sa kahabaan ng Manila Bay.
Ito’y ayon kay Environment Usec. Benny Antiporda ay upang maipon ang mga humaharang na basura sa Manila Bay para malinis ang bahaging iyon ng dagat.
Binigyang diin pa ni Antiporda na tuluy-tuloy ang ginagawa nilang rehabilitasyon sa tinaguriang “Sunset Paradise of the Metropolis”.
Inuuna nila sa ngayon ay ang paglilinis ng mga estero at ilog upang hindi na dumiretso sa Manila Bay ang mga basurang nagmumula sa iba pang mga lugar sa Metro Manila.
Aabot sa mahigit 2 bilyong pisong pondo ang inilaan ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Gagamitin ang pondong ito para sa dredging, pagsasaayos ng mga pozo negro gayundin ang paglilipat sa mga iligal na nakatira sa tabi ng ilog at estero.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Antiporda na aabot sa 52,000 ang colliform level ng Manila Bay na mas mababa mula sa dating 1.3 billion colliform level bago magsimula ang rehabilitasyon.