Gumulong na ang paglalatag ng seguridad sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng isinagawang inter-agency meeting sa Andaya Hall ng Kamara kahapon.
Kabilang sa pulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Presidential Security Group (PSG), mga tauhan ng Malacañang at dalawang kapulungan ng Kongreso.
Lumitaw na walang direktang banta sa seguridad sa SONA ng Pangulo batay sa monitoring ng mga awtoridad.
Iginiit naman ng House Sergeant at Arms na manatili na lamang ang pangulo sa loob ng batasan para sa seguridad nito.
Kasama sa nag-ikot sa session hall ay ang magiging direktor ng SONA na si Direk Joyce Bernal.
Sinabi ng Bernal na nais niyang i-highlight ang pagiging makabayan o patriotic ng Pangulo sa magiging talumpati nito.
—-