Ipinanawagan ng Philippine Business for Education (PBED) sa pamahalaan ang pagkakaroon ng komprehensibong reporma para maisaayos at masolusyunan ang umano’y learning crisis sa bansa.
Ayon kay PBED Chairman Ramon Del Rosario Jr., kinakailangan nang magkaroon ng mas malakas at multi-sectoral coalition para patuloy na maisulong ang pagbabago sa edukasyon at masiguro rin aniya na ipaprayoridad pagbabago sa kalidad ng edukasyon.
Ani Rosario, kung pagbabatayan ang tatlong international assessments, mababatid na kabilang ang Pilipinas sa may pinakamababang ranggo sa buong mundo pagdating sa mga asignaturang Science, Math, at Reading Competency.
Mababa rin umano ang ranggo ng mga Pilipino sa mga skills o kakayanan para magtagumpay ngayong 21st century.
Kaya para kay Rosario at sa grupo nito, nararapat nang tugunan ng pamahalaan ang malnutrisyon sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapatupad ng philippine plan of action for nutrition, maging ang pagbibigay ng malaking pondo para sa edukasyon.