Nanganganib atakihin sa puso ang mga mayroong problema sa baga tulad na lamang ng asthma, chronic bronchitis at emphysema sakaling makalanghap ang mga ito ng abo o usok na mula sa pagsabog ng Taal Volcano.
Ibinabala ito ni Dr. Tony Leachon, isang health advocate, sa harap ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Muling nagpaalala si Leachon na manatili na lamang sa loob ng bahay at magsuot ng N95 masks.
Kung wala anyang N95, pwede na ang basang bimpo o kaya ay ordinaryong mask na may dalawa hanggang tatlong piraso ng tissue sa loob.
’Yung mga may Chronic Obstructive Pulmonary Disease, emphysema, bronchitis, or asthma, tumutuloy ‘yung iba sa Congestive heart failure o heart attack, so, ‘yung mga pasyente na vulnerable –‘yung mga may edad, may sakit sa puso, may diabetes, at may hypertension, steady lang kayo, mag-indoor nalang kayo,” ani Dr. Leachon.
Nagpaalala rin si Leachon na mag-ingat sa pag-inom ng tubig dahil maaari anyang maging kontaminado ito dahil sa ash fall mula sa Taal.
Dapat rin anyang tiyakin na mahuhugasan muna ang mga gagamitin sa pagkain lalo na sa mga lugar na apektado ng ash fall.
Ang ating mga animals, mga pets, be kind to our pets and animals. Dapat ipasok natin silang lahat, indoors,” ani Dr. Leachon. —sa panayam ng Ratsada Balita