Ipinag-utos ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde ang paglansag sa mga private armed groups at gun for hire.
Ito ay bilang tugon na rin sa panawagan ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption kasunod ng serye ng pagpatay sa ilang mga opisyal ng pamahalaan, pari, prosecutors at mga miyembro ng iba pang sektor.
Ayon kay Albayalde, batay sa kanilang datos aabot sa 78 ang bilang ng mga private armed groups sa bansa na karamihan ay matatagpuan sa Mindanao.
Samantala, maaga na ring pinatitiyak ni Albayalde ang maigting na seguridad sa buong bansa hanggang sa pagsapit ng 2019 midterm elections.
Paliwanag ni Albayalde, bagama’t wala pa silang natatanggap na anumang banta tulad ng pinalulutang ng CPP-NPA, mas maigi pa rin aniyang maging handa na ang lahat.
(with report from Jaymark Dagala)