Inatasan na ni Philippine Army Chief Lt/Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga tauhan nito na paigtingin pa ang kanilang mga hakbang upang malansag ang Private Armed Groups.
Ito’y ayon kay Brawner ay para matiyak na magiging payapa at maayos ang nalalapit na Pambansa at Lokal na Halalan sa darating na buwan ng Mayo.
Sa kaniyang unang Army-wide Command Conference para sa taong ito, pinaalalahanan din ni Brawner ang mga sundalo na dapat bumoto at tiyaking magiging maayos ang eleksyon.
Hindi aniya nila hahayaang mamayani sa kanilang hanay ang anumang uri ng partisan politics gayundin ang tinatawag na Military Adventurism.
Kasunod nito, nanawagan si Brawner sa mga kandidato lalo na iyong mga nasa malalayong lalawigan na iwasan nang magbayad ng “permit to campaign” sa mga rebelde ngayong nagsimula na ang panahon ng halalan.