Tiwala ang pamilya Pastor na lalantad na si Dahlia Guerrero-Pastor matapos matimbog ang pangunahing suspek sa pagpaslang kay car racer Enzo Pastor na si Sandy de Guzman.
Ipinabatid ni Tom Pastor, ama ng car racer na may intelligence report silang natanggap na nasa Indonesia pa ang kaniyang manugang kaya’t hinihimok niya itong umuwi para harapin ang kasong isinampa laban dito.
Kailangan na aniyang bumalik sa bansa ni Dahlia para mabigyang hustisya ang pagkamatay ng asawa nito.
Sandy de Guzman
Samantala, pinag-aaralan ng mga otoridad kung kakasuhan ang may ari ng hotel kung saan natimbog ang pangunahing suspek sa pagpaslang kay car racer Enzo Pastor.
Magugunitang si Sandy de Guzman ay nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang hotel sa Dasmariñas, Cavite.
Sinasabing umupa si de Guzman ng isang kuwarto sa nasabing hotel gamit ang pangalang Dennis Guerrero at nag-renew pa ng kontrata gamit naman ang pangalang Antoinette Gregorio.
By Judith Larino