MAHIGIT 80 araw na lamang bago ang halalan, pero patuloy ang pangunguna ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. laban sa kanyang mga katunggali base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, kaya patunay ito na hindi naapektuhan ang kanyang bilang sa pagliban niya sa ilang mga media interview.
Katunayan, tila nakatulong pa kay Marcos ang pagtanggi niya sa ilang panayam kaya sa halip na bumaba ay mas tumaas pa ang bilang niya sa pinakahuling mga survey.
Ito ang reaksyon ng political analyst na si Atty. Ed Chico sa isang panayam sa radyo, matapos maglabas ng survey ang Pulse Asia na isinagawa nitong Enero 19-24, na nagpapakita na tumaas pa si Marcos ng pitong porsyento kumpara sa resulta ng survey nitong Disyembre 2021.
Mula 53 porsyento nitong Disyembre, tumaas sa 60 porsyento ang bilang ni Marcos ngayong Enero.
“Kasi tandaan natin itong survey na ito nung kinuha ito it was around that time that he refused to appear before dun sa programa ng isang batikang broadcaster. But despite that nakita na overwhelming ang suporta sa kanila,” ayon ay Chico patungkol sa pagtanggi ni Marcos sa presidential interview ng brodkaster na si Jessica Soho nitong Enero 22.
“Tingin ko hindi ito nakaapekto,” he added.
Sinabi pa ng abogado na “unprecedented” at makasaysayan ang naturang bilang ni Marcos sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.
“Medyo unprecedented nga ‘yung nangyari for the very first time more than 50 percent or majority ang nagle-lead sa survey na hindi pa nangyari sa kasaysayan ng isang multi-party system o ‘yung plurality voting system na meron tayo,” paliwanag ni Chico.
Paniwala pa ni Chico tila naging magandang strategy ni Marcos ang hindi nito pagdalo sa ilang interview.
“Makikita mo talaga na napakalaki ng lead. ‘Yung 53 percent na tumalon sa 60 percent simply means na effective ‘yung campaign strategy ni BBM at kung ‘yung sinasabing pagkukulang niya ay hindi rin nakakaapekto talaga,” anang political analyst.
Payo niya sa ibang mga kandidato na kailangan na nilang magpalit ng istratehiya at campaign narrative kung gusto nilang makahabol sa bilang ni Marcos.
“Sa tingin ko hindi na rin masyadong bababa yan (Marcos’ numbers). Kasi hindi na effective ‘yung mga narrative nila na lumalabas. Kailangang mag re-calibrate ‘yung mga kandidato para ma-overcome nila ‘yung ganun kalaking boto,” ani Chico.
“If it’s 60 percent you have three months to go. It really takes a lot for them to be able to topple down the leading figure in the survey at ‘yun ang nakikita ko dito. So, hindi magiging sapat sa tingin ko ‘yung hindi niya pagdalo sa interview para bumaba significantly ‘yung pagkagusto sa kanya ng mga botante,” dagdag pa niya.