Nanawagan si COMELEC Commissioner Geroge Garcia sa kongreso na lumikha ng batas na mag-oobliga sa mga kandidato na dumalo sa mga debate tuwing panahon ng eleksyon.
Ayon kay Garcia, nakapaloob din dapat sa lilikhaing batas ang mga parusa laban sa mga kandidatong tatangging lumahok sa mga katulad na aktibidad.
Aminado ang poll official na hindi sila maaaring magpataw ng parusa dahil tiyak na kukuwestyunin ito ng mga kandidato lalo’t wala namang batas na nag-oobliga sa mga ito na dumalo sa mga debate.
Sa Linggo, Abril 3 ang ikalawang sigwada ng inorganisang presidential debate ng COMELEC na mapakikinggan at mapanonood sa mga telebisyon, radyo at social media, kabilang na sa DWIZ 882 at CNN Philippines.