Muling binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang situational briefing sa Pili, Camarines Sur ang kagustuhan nitong lumikha ng isang departamento na tanging tutok lamang sa disaster preparedness at mga nararanasang kalamidad sa bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, nananatili ang kanyang plano na gawing regular na kagawaran ang tanggapan na pinamumunuan sa kasalukuyan ni Undersecretary Ricardo Jalad na Office of the Civil Defense na nakasasakop naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, habang nasa ilalim naman ng pamamahala ng department of national defense sa pangunguna ni Secretary Delfin Lorenzana ang OCD.
Paliwanag ng Punong Ehekutibo, nangangahulugan ito na ang bubuuing kagawaran na ang bahalang humarap sa lahat ng problema at hamon sa panahon na may mga kalamidad na tatama sa Pilipinas.
Dati nang inihayag ng Pangulo sa kanyang ikalawang state of the nation address ang pagbuo ng bagong departamento na may kaugnayan sa disaster management kasabay ng paghimok nito sa mga kongresista na gumawa ng batas na lilikha ng kagawarang tutok lamang sa kalamidad.