Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng mga alkalde na lumikha ng mga proyektong mapakikinabangan ng mga susunod na henerasyon.
Sa kanyang talumpati sa 2024 General Assembly of the League of Municipalities sa Pasay, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi na bale kung mahaba ang timeline ng proyekto, basta’t makatutulong ito sa mga kabataan.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi na dapat alalahanin ng local chief executives kung wala silang makuhang pagkilala sa mga nasimulang proyekto. Aniya, dapat tandaang naglilingkod sila para sa ikabubuti ng lahat.
Nagpaalala rin si Pangulong Marcos sa mga pinuno na huwag hayaang mawala ang tiwala ng publikong nagbigay sa kanila ng kapangyarihan sa kanilang pwesto.