Muling isinulong ng mga Kongresista mula Cordillera Administrative Region ang paglikha ng kanilang sariling awtonomiya.
Ito ang nakikitang solusyon nina Representatives Teddy Baguilat Junior ng Ifugao; Nicasio Aliping ng Baguio City at Maximo Dalog ng Mt. Province sa mga economic problem ng Cordillera.
Partikular na tinukoy ng mga mambabatas ang hindi patas na share sa mining taxes gaya na lamang ng excise tax na ibinabayad sa Makati city sa halip na sa cordillera kung saan nagmumula ang natural resources.
Ang paglikha anila sa Cordillera Autonomous Region ay isang karapatan at nakasaad naman sa 1987 Constitution na hindi lamang ang Muslim Mindanao ang dapat magkaroon ng otonomiya.
Iginiit ng mga mambabatas bagaman naiintindihan nila ang mga national law, hindi naman akma ang ilang batas sa kanilang tradisyon at topograpiya.
Inihalimbawa nina Baguilat ang Magat dam sa Ifugao kung saan naka-kokolekta ang gobyerno ng 5 hanggang 7 bilyong piso kada taon subalit 2 milyon lamang ang share ng Cordillera.
By: Drew Nacino