Isinusulong na sa Senado ang paglilimita sa mga holiday sa Pilipinas.
Ito ang napagkasunduan ng mga senador ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Dahil mahigit isang buwan ang holidays sa buong bansa, nababawasan umano ang pagiging competitive ng mga kumpanya at mga manggagawa. Ayon pa sa senate president, naapektuhan ng napakaraming holidays ang pondo ng mga kumpanya.
Gaya ng inaasahan, umani ito ng negatibong reaksyon mula sa mga manggagawa at estudyanteng apektado ng naturang panukala.
Ayon sa isang netizen, kalokohan ang polisiyang ito. Aniya, sa holiday na nga lang tumataas ang sahod nila, babawasan pa. Hindi rin umano totoong hindi competitive ang mga manggagawa dahil sa halip na makapagpahinga, pinipili pa rin nilang pumasok para sa karagdagang bayad.
Maraming netizen din ang nagsasabing madaming isyu ang bansa na dapat gawing prayoridad kaysa pagbabawas sa holidays. Anila, kabilang sa mga dapat unahin ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa.
Iba-iba man ang komento ng mga netizen, iisa lamang ang nais nilang iparating: kailangan ng mga manggagawa ang holiday upang madagdagan ang kanilang kakarampot na sahod.
Gayunman, nilinaw ni Sen. Escudero na hindi nila planong bawasan ang kasalukuyang holidays, kundi limitahan lamang ang pagdadagdag ng mga bagong holiday.