Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na malimitahan ang mga holiday sa bansa.
Sa kaniyang House Bill 5032, nais ni Salceda na ma amiyendahan ang section 26, chapter 7, book 1 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987 na layong i rationalize ang mga holiday sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan na sa siyam ang regular holidays na non working days dahil ang Pilipinas ayon kay Salceda ang may pinakamaraming pagdiriwang o ginugunitang holiday na nasa 21 hanggang 25 kada taon kumpara sa average na 15 holidays lamang kada taon sa ibang ASEAN countries.
Layon ng panukala ni Salceda na maitaas ang productivity at competitiveness ng bansa dahil malaki ang kitang nawawala sa bansa sa dami ng holidays bukod pa sa mga kalamidad na tumatama sa Pilipinas.
Ang mga regular holidays ay bagong taon, good friday na naiuurong ang petsa gayundin ang Eid’l Fitr, Labor Day, Independence Day, All Saints Day, Bonifacio Day, pasko at Rizal Day.
Samantala, mayroon namang pitong special days na working days na maaaring mapagkasunduan ng mga employer at employee na gunitain batay sa kanilang kultura, relihiyon at paniniwala tulad ng Chinese New Year, EDSA People Power Revolution, founding anniversary ng Iglesia ni Cristo at kapanganakan ni Birheng Maria.
Mayroon ding dalawang local holidays tulad ng foundation at fiesta sa syudad at probinsya.