Binigyang diin ng Palasyo na tinutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaka-mahalagang mandato ng Saligang Batas.
Ito ay ang paglingkuran at protektahan ang mga Pilipino, sa pamamagitan ng pag-iwas ng pangulo na magkagulo sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa usapin sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ito ang ipinagtataka ng pangulo kung bakit hindi aniya maintindihan ng mga kritiko na ang mga hakbang na ito ay hindi lamang pagprotekta sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas bagkus ay pagprotekta na rin sa sambayanang Pilipino.
Gaya aniya ng sinabi ng pangulo, kung susundin ang mga kritiko na igiit ng bansa ang claim nito sa West Philippine Sea, pagbabawalan ang mga Chinese vessels sa pagpasok sa mga karagatang sakop ng bansa at paggamit sa probisyon na layong protektahan ang EEZ ng Pilipinas, posible lamang itong pagmulan ng gulo at magiging dahilan para hindi na magamit ang mga resources ng bansa.
Gayuman, nilinaw ni Panelo na hindi nangangahulugan na tali ang kamay ng Pilipinas dahil idinadaan naman ng bansa sa friendly negotiation ang mga usapin may kinalaman sa South China Sea.