Tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar na kanilang nililinis ang listahan ng mga magsasakang tumatanggap ng financial assistance mula sa gobyerno.
Bunsod ito ng hinaing ng ilang magsasaka, partikular sa Bicol Region, na kahit hindi naman nagtatrabaho sa agriculture sector ay nabibigyan ng ayuda.
Inihayag ni Dar na taon-taon nilang nililinis ang Registry System for Basic Sector in Agriculture o R.S.B.S.A upang matiyak na pawang mga magsasaka at mangingisda lamang ang tumatanggap ng tulong pinansyal.
Nakikipag-ugnayan anya sila sa mga local government unit, lalo sa mga municipal agriculturist, upang tutukan at suriing maigi ang mga inilalagay sa registry system ng mga agricultural laborer.
Nilinaw naman ng kalihim na bukod sa mga farm laborer, kasama rin dapat sa listahan ang mga may-ari ng mga agricultural land, na kadalasang nagpaparenta ng kanilang sakahan.
Aminado naman si Dar na may mga nakalulusot sa registry system na hindi naman talaga farm laborer kaya’t hindi nila tinitigilan ang inventory upang matiyak na nakararating ang ayuda ng gobyerno sa mga tunay na nangangailangan.