Pinag–aaralan ng DILG o Department of Interior and Local Government na ibigay sa mga opisyal ng barangay ang trabaho sa paglilinis ng mga dinadaanan ng tubig gaya ng kanal at estero.
Sa ilalim ng panukala, sinabi ni DILG undersecretary Martin Diño, na maaring maparusahan ang mga barangay officials na mabibigong pangunahan ang paglilinis sa kanilang nasasakupang lugar.
Partikular aniya na tutukan ng DILG ang mga lugar na mataas ang bilang ng mga informal settlers, na karaniwang nagtatayo ng bahay sa mga estero na siyang dahilan ng pagbaha sa ilang mga lugar.
Inihalimbawa dito ni Diño ang mahigit 7,000 mga barangay na nakapaligid sa Manila Bay pero walang ginagawang anumang hakbang para hadlangan ang pagdumi nito.