Hindi itinuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang paglilipat kay Pharmally Pharmaceutical Director Linconn Ong sa Pasay City Jail.
Ito ayon kay Senator Panfilo Lacson ay dahil sa hiniling ni Ong na haharap na siya sa executive session para doon isiwalat ang mga hindi nya masabi sa public hearing ng Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Lacson, nakiusap si Ong na makuha ang mga dokumento para daw accurate ang mga sasabihin nya na numero o halaga tulad ng kung magkano ang ini-advance na pera ni Michael Yang sa kanila at magkano ang ibinalik nya sa bawat transaksyon ng Pharmally sa Procurement Service ng Department of Budgement and Management.
Ang pagkakaalam ni Lacson nasa USB na lahat ng mga kailangang dokumento ni Ong kaya’t hindi na nito kailangang umalis para kunin ito.
Giit ni Lacson, oras na bolahin lang sila at hindi pa rin magsabi ng totoo si Ong sa executive session, magtatagal ito sa pagkakakulong sa senado o kaya ay sa city jail.
Una rito, sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman, Senator Richard Gordon na pinanatili nila si Ong sa kostodiya ng senado dahil maaari anyang malagay ito sa peligro kapag inilipat sa Pasay City Jail.
Si Ong ang nagtapat na si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang ang nagpautang at naging guarantor ng Pharmally kaya raw nakapag supply sila ng multi bilyong pisong halaga ng mga medical supplies kahit pa higit P600,000 lang ang kanilang kapital. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)