Ongoing ang mga isinasagawang transition sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development at National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Ito’y para sa paglilipat ng mga tungkulin na may kinalaman sa usapin ng mga lolo’t lola.
Sa ginanap na Malacañang briefing, inihayag ni DSWD sec. Erwin Tulfo na tuloy-tuloy ang pakikipagpulong nila sa mga opisyal ng NCSC na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano.
Maliban sa Administrative Functions, kabilang rin anya sa kanilang mga tinatalakay ang pondo at lawak ng trabaho ng NCSC.
Sinabi ng Kalihim, sa ngayon, kinukumpleto pa ng NCSC ang kailangang mga tao sa kanilang opisina.
Itinatag ng dating Duterte Administration ang NCSC sa ilalim ng Office of the President upang matutukan ang mga kinakailangang serbisyo para sa mga senior citizen.
Kasama sa inaasahang tungkulin na gagampanan ng National Commission of Senior Citizens ang pamamahagi ng social pension sa mga mahihirap na lolo’t lola.