Nakatakdang dinggin sa Davao City ang kasong isinampa laban sa ama ng Maute brothers na si Cayamora Maute at tatlo pa nitong kasamahan.
Kaugnay ito sa mga kasong iligal na pagbibitbit ng armas at pampasabog nang maaresto ang mga ito sa isang checkpoint sa Sirawan, Toril District sa nasabing lungsod.
Gayunman, tiniyak ng Davao City Prosecutor’s Office na walang dapat ikabahala ang mga residente ng naturang lugar kung sa kanila man lilitisin ang itinuturing na patiyarka ng Maute terror group.
Ayon kay Assistant Prosecutor Rizalyn Pontanos, ililipad mula sa Camp Bagong Diwa sa Taguig sina Cayamora, anak nitong si Norjannah, Benzar Ali Iman Tingao at Kongan Balawag at saka ibabalik din pagkatapos ng paglilitis.
Subalit, binigyang diin ni Atty. Pontanos na tiyak na mahigpit ang ipatutupad na seguridad sa mga araw ng paglilitis bunsod na rin ng posibleng rescue na gawin sa kanila ng mga teroristang nakatakas mula sa Marawi City.
- Jaymark Dagala