Kinuwestyun ni Senadora Grace Poe ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na limitahan ang bilang ng biyahero ng Grab, Uber at iba pang Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Magugunitang sinabi ng LTFRB na 45,000 na lamang ng TNVS ang bibiyahe sa Metro Manila, 500 sa Cebu at 200 naman sa Pampanga.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Service, kung saan ibinase ng LTFRB ang pagtatakda ng mga nasabing bilang ng maaaring bumiyahe.
Nais din makita ng Senadora ang mga dokumento kaugnay sa mga isinagawang pagpupulong o konsultasyon upang kanilang mapatunayan na ito ay pinag-aralan ng mabuti.
Giit pa ni Poe, karapatan ng publiko na malaman ang mga napagkakasunduan sa mga isinasagawang pagpupulong lalo na’t may kinalaman sa pagbibigay ng serbisyo alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘transparency’ sa gobyerno.