Wala sa kamay ng Department of Justice o DOJ ang paglilipat ng custody ni Janet Lim Napoles mula sa Correctional for Women dahil sa umano’y banta sa buhay nito.
Sinabi sa DWIZ ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ang tatlong (3) division ng Sandiganbayan kung saan may nakabinbing kaso si Napoles ang dapat magpalabas ng kautusan kung saan ito dapat ikulong.
Ayon kay Aguirre, hinihiling ng kampo ni Napoles na mailipat sa National Bureau of Investigation o NBI ang custody nito subalit kailangan pa aniya ng basbas dito ng Sandiganbayan.
“Ang ginawa ni Atty. Stephen [abogado ni Napoles] nag file ata siya ng motion asking for the transfer. Reasons are the threat to life saka yung mas magandang mas malapit sa DOJ kung kinakailangan siya para ma-less din ang kanyang security so yung tatlong yun yung I think sila ang mag-o-order kung saan dapat ikulong si Janet. Ang sabi ko, NBI is available but hindi naman kinakailangan sa NBI eh, as long as the detention ng PNP or ng DILG at saka CIDG, pu-pwede rin”, ani Aguirre.
Aguirre hindi pa nakakausap ng personal si Napoles
Hindi pa nakakausap ng personal ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Janet Lim Napoles.
Ayon kay Aguirre, tanging ang abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David at dating Manila Councilor Greco Belgica ang nakausap niya kaugnay sa kaso ni Napoles.
Sinabi sa DWIZ ni Aguirre na noon pa man ay ipinapaabot na sa kaniya ng kampo ni Napoles ang kahandaang mag tell all ito sa usapin ng PDAF scam kasabay ang kahilingang mailipat ito ng kulungan mula sa Correctional for Women dahil sa panganib sa buhay nito.
“Noon pa man ay nagsasabi sila sa akin na gusto nilang sabihin ‘tell all’ ni Ginang Napoles ang yang tungkol sa PDAF anomaly and nag re-request lamang na mailipat siya ng kulungan sapagkat nanganganib ang kanyang buhay sa Correctional for Women”, pahayag ni Aguirre sa panayam ng DWIZ.
By Judith Estrada – Larino | Sapol si Jarius Bondoc (Interview)