Kinukwestiyon ng abogado ng magkapatid na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess at Reynaldo Parojinog Jr. ang pagdadala sa mga ito sa Kampo Krame.
Ayon kay Atty. Lawrence Clarin, walang basehan ang paglipat sa Metro Manila ng magkapatid dahil hindi pa nagpapalabas ng commitment order ang Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) para tukuyin kung saan dapat ikulong ang dalawa.
Hindi rin aniya kailangang iharap sa Korte ang magkapatid na Parojinog dahil search warrant lamang at hindi arrest warrant ang ipinalabas ng QC RTC.
Giit pa ni Clarin, iregularidad din ang hindi pagpapasok sa kanya sa loob ng Custodial Center kung saan dinala ang magkapatid na Parojinog.
Kaugnay nito kanilang hihilingin na sa Ozamiz City na maikulong ang dalawa dahil doon nangyari ang krimen at para makabisita na rin sa burol ng mga nasawing magulang.